Karton

(This was originally posted in my Facebook Note on March 2 2014)

Sabado ng gabi. Lapat na ang dilim pero hindi pa rin sya nakakauwi.

Mayroon akong ibabalita sa kanya kaya di ko maiwasang mainip.

Pasado alas-siete na nang makauwi sya ng bahay.

May dala syang maliit na plastic bag na may sardinas at tatlong plastic ng miswa, habang sa isang kamay ay malaking karton na may nakasulat na Kelvinator.

“Nagsaing ka na ba?” Mahina nyang tanong. “Igisa mo itong sardinas para makapag-hapunan na tayo.”

Marahan syang umupo sa nag-iisang monobloc at sandaling pinikit ang mga mata. Bakas sa mukha nya ang matinding pagod mula sa maghapong paglalaba kina Mrs. Marasigan. Isang linggong labahin ng anim na katao, manu-manong lalabhan ng isang maliit na babae gamit ang dalawang malalaking batya.

Napansin kong basa ang ibabang bahagi ng kamiseta nya. “Nay, magpalit ka po muna ng damit.” 

Kumuha ang kapatid ko ng malinis na blouse sa isang malaking balikbayan box na nagsisilbing lalagyan ng mga damit namin. Pagkatapos nyang magpalit ng damit, tahimik kaming kumain ng hapunan.

Matapos maghapunan, kinuha nya ang malaking karton na dala nya kanina. Sa tulong ng malamlam na liwanag mula sa nagiisang bombilya na tumatanglaw sa maliit na apartment na iyon, marahan nyang hinati ang karton gamit ang kutsilyo.

“May bagong ref sina Mrs. Marasigan. Hiningi ko itong karton para madagdagan ang higaan natin.” Paliwanag nya.

Buti naman, naisip ko. Nanunuot pa rin kasi sa likod ang lamig ng semento kapag madaling araw. Hindi sapat ang lumang karton ng electric fan kahit sapinan mo ng kumot. Kaya tuloy di mawala-wala ang ubo ng bunso namin.

Bago pa man ako bumwelo sa sasabihin ko, nakita na nya ang kahon na dala ko kanina at itinago sa ilalim ng lamesa.

“O bakit may kahon dito? Naguwi na naman kayo ng pusa?! Hala, kayo ang magpupulot ng dumi nyan!”.

“Ah eh, hindi po pusa. Dala ko po yan. Sasama po sana ako kina Dodong maglalako kami ng pandesal bukas. Lalagyan namin yan ng katsa sa loob, tapos ilalagay na yung mga pandesal.”

Tumitig sya sa akin, tila sinusukat ang katatagan ng binitawan kong salita.

“Pero nagaaral ka.”

“Alas-otso pa naman po pasok ko. Gigising na lang po akong alas-sinko, tapos maglalako hanggang alas-sais y media. Sige na Nay, payagan mo na ako. Gusto ko rin makatulong.”

“Sampung taon ka pa lang, anak.”

“Kaya ko to Nay, pangako iaahon ko kayo sa hirap. Bibilhan kita ng washing machine para hindi ka na naglalabada. Bibili tayong bahay, di na tayo mangungupahan. Bibili tayo kotse. Tapos sasakay tayo ng eroplano, pupunta tayong abroad.”

“Sa pagpapandesal?”, biro nya.

“Siyempre hindi! Pero ito ang simula.” mayabang kong sagot.

“Hay naku Randy, bahala ka na nga.” Ginulo ni Nanay ang buhok ko. “Basta magiingat ka sa mga aso”.

2 thoughts on “Karton

Join the Ruckus...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s